MANILA, Philippines — Kapwa nasawi ang dalawang lalaki habang anim na iba pa ang nasugatan kabilang ang isang Chinese national makaraang bumagsak ang isang crane ng isang contruction site ng isang gusali, kahapon ng hapon sa Pasay City.
Namatay habang dinadala sa ospital ang biktimang si Jonathan Diserdo, 32, crane operator ng Monocrete Construction Inc., habang inaalam pa ang pagkakakilanlan ng isa pang lalaki na nasawi noon din.
Ang mga sugatan ay kinilalang sina Kumbo Mabunay, 24 at Jay Ballon, 29, kapwa tauhan ng Modern Security Agency na nakatalaga sa construction site; at lima pang obrero na sina Francisco Angcatan, 59; Melvin Yosores, 28; Elmer Sedol, 46 at Chinese national na si Liu Shen Xiu, 30.
Lumalabas sa imbestigasyon, bago naganap ang insidente dakong alas-12:30 ng hapon sa construction site ng STI Building sa kanto ng P. Calle at EDSA ay isini-set-up ang crane tower nang bumagal ang umano’y pressure sa “hydraulic cylinder” dahilan para bumagsak ito.
Dito ay nabagsakan ng boom o ang mahabang bakal ng crane ang katapat na Core Town Building na agad na ikinasawi ng hindi nakilalang lalaki na nabagsakan at pagkasugat ng iba pa.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya para alamin ang pananagutan ng contractor.