Tanod, 5 pa tiklo sa droga
MANILA, Philippines — Arestado ang anim na katao kabilang ang isang aktibong barangay tanod at dalawang pares ng mag-asawa matapos na isagawa ng pulisya ang magkakasunod na drug bust operation sa tatlong bayan sa lalawigan ng Bulacan kahapon.
Kaagad na sinampahan ng mga kaukulang kaso ang mga suspek na sina Alejandro Arena, 54, barangay tanod at residente ng Brgy. San Roque, Pandi; mag-asawang Oscar, 62 at Juliet Yap, 58-anyos; Ma. Lourdes Marinay pawang mga residente ng Brgy. Batia sa Bocaue; mag-live-in partner na sina Esperanza Masagca, 47 at Melencio Ignacio, 43 mga residente ng Area C, Brgy. San Martin I, San Jose Del Monte City.
Sa unang ulat ng Pandi PNP dakong alas 4:00 ng hapon nang makumpirma ang patuloy na pagbebenta ni Arena ng droga sa kanilang lugar sa kabila ng pagiging tanod nito, ay dito na nagpunta ang isang poseur buyer na pulis upang bumili ng droga at habang inaabot ang marked money kapalit ang droga ay dito na siya inaresto.
Kasunod nito ay nagsagawa rin ng operasyon ang mga tauhan ng Bocaue PNP sa magkahiwalay na lugar sa Northville 5, Brgy. Batia na nagresulta ng pagkakaaresto ng mag-asawang Yap at ni Marinay habang timbog din ang mag-live-in na sina Masagca at Ignacio sa isa pang operasyon sa Brgy. San Martin I dahil na rin sa tip na ibinigay ng isang residente sa lugar.
Narekober sa tatlong operasyon ang kabuuang 15 pakete ng shabu, mga drug paraphenalias at P2,000 pisong marked money na ginamit sa pambili ng droga.
- Latest