MANILA, Philippines — Sa loob ng dalawang linggo ay makakauwi na sa bansa ang isang Pinay worker na binuhusan ng kumukulong tubig ng amo sa Riyadh.
Ito ang ibinalita ni Act OFW Rep. Aniceto John Bertiz at Toots Ople ng Blas Ople Center sa nakatakdang pag-uwi ni Pahima Candies Alagasi,26,nagdusa sa matinding sunog sa buong katawan na umabot ng second degree burn.
Ayon kay Bertiz na nakatanggap na siya ng tawag mula sa Ambassador ng Saudi Arabia na nagsabing pwede nang makaalis ng Riyadh si Alagasi anumang oras para makabalik na ng Pilipinas.
Naresolba na umano ang kasong slander na hinaharap ni Alagasi sa pamamagitan ng tulong ni Saudi Prince at Interior Minister Abdullah Bin Saud Bin Naif.
Ginawa ito ng Saudi Prince matapos itong bumisita sa bansa at makausap si Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa record, apat na taon na ang nakaraan nang nagalit kay Alagasi ang babaeng amo nang maibagsak niya ang takip ng thermos habang nagtitimpla ng kape.
Habang pinupulot ni Alagasi ang takip ng thermos ay kinuha ng amo ang thermos at ibinuhos sa una ang ng laman nitong mainit na tubig.
Nakatakas lamang si Alagasi nang nagpapagamot na ito sa Raseel Medical Center at nagtago ito sa pangangalaga ng Philippine Embassy.