MANILA, Philippines — Pagkatapos bisitahin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang eksaktong lugar kung saan nahulog ang isang bus ng Dimple Star na dito ay may 19 katao ang nasawi habang nasa 134 naman ang sugatan kamakailan sa Sablayan, Occidental Mindoro, ay ipinag-utos ng Pangulo kay LTFRB chairman Manuel Delgra na arestuhin ang operator ng Dimple Star Transport gayundin ang iba pang kolorum na bus.
Dinalaw din ng Pangulo ang burol ng mga nasawing biktima gayundin ang mga survivor na nasa ospital.
Nagbigay din ng financial assistance ang Pangulo sa mga biktima. Samantala, sinuspinde na ng LTFRB ang buong fleet o lahat na ng bus ng Dimple Star Bus ng 30-araw.
Ito ay makaraang madiskubre ng LTFRB sa isinagawang pag-iinspeksiyon sa terminal ng bus company at maging sa mga bus unit ng Dimple Star bus ang mga paglabag sa patakaran ng ahensiya.
Sinabi ni Delgra na minabuting huwag munang mag-operate ang nasa 118 units ng Dimple Star dahil sa iba’t ibang mga paglabag sa rules and regulations ng ahensiya. Sinabi ni Delgra na sa imbestigasyon ay nalaman din na mula noong 2011, umabot na sa 134 ang nasugatan at 25 ang nasawi sa mga aksidente na kinasangkutan ng mga unit ng Dimple Star.
Kailangan muna umanong maisaayos ng bus company ang mga paglabag sa patakaran ng ahensiya bago muling makapasada ang mga sasakyan nito.