MANILA, Philippines — Nasa 19 katao kabilang ang driver at konduktor ang nasawi habang 21 iba pa ang nasugatan nang aksidenteng mahulog sa bangin kamakalawa ng gabi ang isang pampasaherong bus sa national highway sa Sablayan, Occidental Mindoro.
Kabilang sa mga nasawi ay sina Marciano Ramos, Teresita Dupagan, Elizabeth dela Cruz, Virginia Ramos, Erwin Ebienga, Lolita Bayle, Lea Borlado, Anselma Gomez, Gilbert Vanguargia Jr., Robert Jose, Gloria Gabuco, Rudy Bacano, driver ng bus at anim na iba pa kabilang ang isang matandang babae gayundin ang konduktor ng bus na inaalam pa ang pagkakakilanlan.
Nabatid na 15 sa mga biktima ay bangkay na nang makuha sa tinatayang 15-20 metrong lalim ng bangin habang ang iba pa ay binawian naman ng buhay sa pagamutan.
Sa ulat na nakarating kay Supt. Imelda Tolentino, Spokesperson ng Police Regional Office IV B (Mindoro, Marinduque, Romblon at Palawan) dakong alas-9:30 ng gabi nang mangyari ang malagim na trahedya sa Patrick Bridge sa hangganan ng Brgy. Batong Buhay at Brgy. San Agustin, Sablayan.
Nabatid na bumabagtas ang Dimple Star bus (TYU-708) sa nasabing tulay nang mawalan ng kontrol sa manibela ang driver nitong si Arno Panganiban bunsod upang bumangga sa kanang bahagi ng barandilya sa tulay na nagbunsod para mahulog sa bangin.
Nabatid na zigzag ang kalsada at ang tulay ay nasa isang patarik na bahagi sa lugar.
Ang mga nasugatan ay mabilis namang isinugod sa San Sebastian District Hospital sa Sablayan at maging sa provincial hospital sa bayan naman ng Mamburao kung saan ang mga ito ay patuloy na nilalapatan ng lunas.
Ang bus ay galing sa bayan ng San Jose at patungo sa Abra de Ilog nang mangyari ang sakuna.
Samantala, nanganganib na maipatigil ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang operasyon ng Dimple Star Bus company at inaalam pa kung ilan ang bus unit nito upang makapagpalabas ng 30 days suspension order.