MANILA, Philippines — Naaresto ng mga pulis sa entrapment operation ang 5 miyembro ng “Sang la-Tira” scam na nagsasabwatan sa pambibiktima sa mga nais magkaroon ng sariling bahay kapalit, ng sangla sa Maynila kamakalawa.
Ang mga suspek na nakatakdang sampahan ng reklamong syndicated estafa sa Manila Prosecutor’s Office ay kinilalang sina Melanie Pasai Languido, 55, ng Phase 2, Block 28, Lot 41, Pinagsama Village, Taguig City; Catherine Diorda Gumarang, 36, ng Block 19, Lot 15, Phase 2, Brgy. Pinagsama, Taguig; Eufemia Legarda Robles, 60, ng Block 47, Lot 32, Phase 2, Pinagsama, Tagugig; Jelyn Palacios Tolete, 45, ng Block 47, Lot 32, Phase 2, Pinagsama, at Olivia Domingo Aquino, 36, ng Block 22, Lot 26, Phase 2, Brgy. Pinagsama, Taguig City.
Sa ulat nitong Marso 14 alas-3:35 ng hapon nang maaresto ang mga suspek sa entrapment operation sa isang fast food chain sa Ramon Magsaysay Boulevard kanto Pureza St., Sta. Mesa, Maynila.
Nabatid na naghain ng reklamo ang apat na walk-in complainant dahil sa panloloko ng mga suspek sa pamamagitan ng online scam na nakatangay na sa kanila ng mula P20,000 hanggang P30,000 kapalit ng mga pekeng dokumento na isinanglang bahay na maaring tirhan bilang interes.
Napaniwala umano ang apat, subalit nabigo sila makuha ang sinasabing sanglang bahay na itinuturo sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila at Cavite.
Ang huling complainant ay pinagsanglaan ng bahay sa Maynila at hiningan ng downpayment na P20,000 at nang malaman sa ibang biktima ang scam ay humingi ito ng saklolo sa mga otoridad at ikinasa ang entrapment.