MANILA, Philippines — Napatay sa engkuwentro ng mga pulis ang dalawang hinihinalang tulak ng iligal na droga sa isinagawang buy-bust operation sa Binondo, Maynila, kahapon ng madaling araw.
Ang dalawang suspek na hindi na umabot ng buhay sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center (GABMMC) ay kinilala sa mga alyas na “Darwin”, tinatayang 25-anyos, 5’5” ang taas, at alyas “Oscar”, nasa 55-anyos may taas na 5’6”.
Sa ulat, dakong ala-1:50 ng madaling araw nang ikasa ng drug bust operation ng Station Drug Enforcement Team (SDET) ng MPD-Station 11 sa no. 72 San Miguel Road, Binondo na pinaglulunggaan ng mga suspek.
Dito ay nakipagtransaksiyon ang poseur buyer nasi PO1 Allan Hilario, subalit nahalata umano ni Darwin na pulis ito kaya tinakbuhan ito at humingi ng saklolo sa pagsigaw ng “Kuya Oscar, tulong, putukan mo, mga pulis pala sila!”
Nakabunot umano ng baril si Oscar na nakatayo lang sa hindi kalayuan at sinalubong ng putok ang mga operatiba.
Gumanti ng putok ang mga pulis at tinamaan ang dalawang suspek at nasamsam sa mga ito ang tatlong plastic sachet ng shabu, P1,000 buy bust money, at dalawang kalibre .38 baril.