Customs broker itinumba ng tandem

Ang biktima na namatay noon din ay kinilalang si Raymond Aniceto, 26, at naninirahan sa Raja Soliman Street, Brgy. 36, ng naturang lungsod.
Miguel de Guzman

MANILA, Philippines — Isang lalaking customs broker na sakay ng kanyang kotse ang dinikitan ng dalawang lalaking nakamotorsiklo at pinagbabaril naganap kahapon ng umaga sa Caloocan City.

Ang biktima na namatay noon din ay kinilalang si Raymond Aniceto, 26, at naninirahan sa Raja Soliman Street, Brgy. 36, ng naturang lungsod.

Batay sa ulat ng pulisya, bago naganap ang pana­nambang sa biktima dakong alas-7:30 ng umaga sa D. Aquino St., sa pagitan ng 3rd at 4th St., Brgy. 47 ay minamaneho nito ang kanyang Honda Civic (DQ6324) nang dikitan ito ng motorsiklo lulan ang dalawang salarin at walang habas siyang pinagbabaril.

Ang biktima ay tinamaan sa ulo at leeg na dahilan ng kanyang agarang pagkasawi. 

Mabilis namang tumakas ang mga salarin na hindi na nagawa pang mahabol ng mga pulis.

Ayon sa mga saksi, nakita pa nilang kumain sa isang karinderya ang mga suspek bago dumating ang biktima.

Sinabi naman ng ama ng biktima na si Rey Aniceto na walang kaaway ang kanyang anak at mabait ito kaya’t mensahe nito sa mga gunman na kahit hindi na magpakita ay sabihin na lang kung sino ang nagpapatay sa anak niya.

Show comments