MANILA, Philippines — Patay ang isang dati umanong drug courier nang muling bumalik sa dating lugar kung saan siya may nakaaway dahil sa pagbebenta umano ng pekeng shabu sa Port Area, Maynila, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ang nasawi na si Danilo Yap, tinatayang nasa 25–30 anyos, dating residente ng Vargas Compound, 2th Street, barangay 650 Port Area, Maynila at sinasabing nakatira na ngayon sa Baseco Compound, sa Port Area rin.
Sa ulat ni PO3 Ryan Jay Balagtas ng Manila Police District-Homicide Section, nadiskubreng patay ang biktima alas-12:10 ng madaling araw sa Vargas Compound, 12th Street, Port Area.
Sa salaysay ng isang Rodolfo Trono, 71 anyos, Brgy. 650 executive officer, na nagsabing hindi niya nakita ang pangyayari pero may nagpabatid sa kanyang residente na may binaril sa nasabing lugar. Nang kanyang alamin, nakita nito ang nakabulagtang si Yap. Kilala umano niya na dating constituent ng kanilang lugar si Yap at naging matunog umano ang pangalan nito bilang “drug courier”. Noong taong 2015 ay lumipat umano siya ng tirahan sa Baseco Compound dahil sa mga nakaalitan hinggil sa pamemeke ng ibinebentang shabu.
Kamakalawa ng gabi, huli pa niyang nakitang buhay si Yap na nakikipag-inuman sa ilang kalalakihan sa isang sari-sari store sa 12th Street panulukan ng Railroad st., at nagulat na lang nang may magbalita na binaril ito.
Nagtamo ng tama ng bala sa ulo, mukha, dibdib at kaliwang kamay ang biktima na inilagak na sa Archangel Funeral para sa safekeeping at autopsy.