Recruiters ni Demafelis, tugisin – Digong

Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, sa gitna ng ulat na pagkakaaresto sa principal suspect sa Demafelis murder na si Nader Essam Assaf, isang Lebanese national, ng mga awtoridad sa Lebanon, nais ng Pangulo na mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ni Demafelis.
KJ Rosales

MANILA, Philippines — Matapos ang pagkakadakip ng amo ng Pinay worker na si Joana Demafelis na pinatay at isinilid ang bangkay sa freezer sa inabandonang apartment sa Kuwait, agad na iniutos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa National Bureau of Investigation (NBI) na tugisin o ipatawag ang mga recruiters nito sa Pilipinas.

Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, sa gitna ng ulat na pagkakaaresto sa principal suspect sa Demafelis murder na si Nader Essam Assaf, isang Lebanese national, ng mga awtoridad sa Lebanon, nais ng Pangulo na mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ni Demafelis.

Pinaiimbestigahan ng Pangulo sa NBI ang mga recruiters ni Demafelis, tubong Iloilo, na siyang nag-hire sa huli upang magtrabaho sa Kuwait at mapunta sa kamay ng kanyang malulupit na amo.

Kinokonsidera na mga suspek ang mga recruiters ni Demafelis na kaila­ngang makipagtulungan sa mga awtoridad upang magbigay linaw sa pagkamatay ng nasabing OFW.
 Napaulat na ang Our Lady of Mt. Carmel Global E-Human Resources Inc. ang nagsilbing local recruitment agency ni Demafelis na nagsara na noong 2016. 

 Bukod kay Assaf, suspek din ang asawa nitong si Mona na isang Syrian national na hinihinalang nagtatago sa kanyang bansa.

 Ayon naman kay Labor Sec. Silvestre Bello III, papanagutin ng gobyerno ang recruitment agency ni Demafelis,

Anang kalihim, sa ilalim ng mga umiiral na batas, may pananagutang sibil at administratibo  ang ahensiya na nagpadala kay Demafelis sa Kuwait dahil nagpabaya sila sa kalagayan ng kanilang manggagawa. Dapat aniya na minomonitor ang kalaga­yan ng kanilang mga manggagawa na nasa ibayong dagat lalo’t matagal nang hindi nakikita bago pa madiskubre na nasa loob ng freezer.

Nakikipag-ugnayan na ang DOLE sa NBI para matagpuan ang nasabing mga recruiters ni Demafelis.

Tiniyak din ni Bello na lahat ng mga tulong ay kanilang ibibigay sa pamilya Demafelis base na rin sa kautusan ng Pangulo.

Naniniwala rin si Bello na magkakaroon ng positibong epekto sa diplomatikong relasyon ng Pilipinas at Kuwait ang pagkakaaresto sa amo ni Demafelis.

 Matatandaan na nagdeklara ng “total ban” sa pagpapadala ng mga OFWs sa Kuwait si Pangulong Duterte kasunod ng sinapit ni Demafelis.

Show comments