MANILA, Philippines — Naaresto ng mga otoridad kahapon sa Taguig City ang isa sa mga suspek na itinuturong nakabaril at nakapatay sa deputy chief ng Cainta Municipal Police Station na si P/Senior Inspector Jimmy Senosin noong Pebrero 11.
Ang naarestong suspek ay kinilalang si Ruben Paglinawan, alias Tae, 41, nakatira sa Riverside, Cainta, Rizal na may patong sa ulo na P100,000.00.
Batay sa ulat, alas-5:20 ng umaga nang madakip ng mga kagawad ng Police Community Precint (PCP) 4 si Paglinawan sa Brgy. Central Signal ng dahil sa kasong paglabag sa BP 6 at alarm scandal matapos itong ireklamo ng mga residente sa panggugulo nito sa lugar.
Nang respondehan ng mga pulis, naaktuhan nila ang suspek na armado ng kutsilyo at nanggugulo kaya’t kaagad nila itong dinakip.
Sa ginawang pagtatanong ng mga pulis sa suspek ay napag-alaman na sangkot ito sa pamamaril at pagpatay sa nasabing police official.