MANILA, Philippines — Nagpalabas ang Department of Labor and Employment ng Administrative Order No.54-A na nagsasaad na ang pinatawan lang ng ban ay mga first time workers sa bansang Kuwait na wala pang partikular na trabaho o propesyong papasukan.
Hindi kasali ang mga manggagawa na nagbakasyon lang dito sa Pilipinas at pinababalik na ng kanilang employers para tapusin ang kontrata, o yaong tinatawag na “balik-manggagawa.”
Hindi rin covered ng ban ang mga balik-manggagawa na babalik sa Kuwait para sa bagong kontrata sa parehong employer o rehired, gayundin ang mga seafarer na magbo-board lang sa nasabing bansa.
Sa kautusang pinirmahan ni DOLE Sec. Silvestre Bello III, binigyang diin ang pag-secure muna ng mga balik-manggagawang OFW ng clearance mula sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) bago bigyan ng Overseas Employment Certificate (OEC) ng Philippine Overseas Employment Agency (POEA).