MANILA, Philippines — Matapos mapatunayang guilty sa kasong grave misconduct ay sinibak ni Ombudsman Conchita Carpio Morales si dating Cebu Governor at ngayo’y 3rd District Representative Gwendolyn Garcia.
Hindi na rin pinapayagan ng Ombudsman na humawak ng anumang posisyon sa gobyerno si Garcia, kanselado ang eligibility at retirement benefits at inatasan na ni Ombudsman Morales si House Speaker Pantaleon Alavarez na ipatupad ang kanyang kautusan laban kay Garcia.
Sa rekord noong Hunyo 11, 2008, binili ni Garcia ang kontrobersyal na ari-arian ng Balili, isang 249,246 square meter lot na matatagpuan sa Tinaan, Naga, Cebu na nagkakahalagang P98,926,800.00.
Napag-alaman ng mga lokal na otoridad na ang 196,696 metro kwadrado ng ari-arian ay nasa ilalim ng tubig at bahagi ng isang bakawan.
Noong Abril 2012, ang lokal na pamahalaan ay nagsagawa ng public bidding dito at ang proyekto ay iginawad sa Supreme ABF Construction at nabayaran ng P24,468,927.66 para sa kontrata sa proyekto.
Natuklasan ng Ombudsman na walang otoridad si Garcia mula sa Sanguniang Panlalawigan (SP) nang pumasok siya sa kontrata sa ABF Construction.
Ayon pa sa Ombudsman na nilabag ni Garcia ang section 46 at 47 ng Administrative Code of 1987 at Section 86 ng Government Auditing Code ng Pilipinas na nagbabawal sa pagpasok sa isang kontrata ng isang public official tulad ng ginawa sa naturang proyekto.
Samantala, ipinapaubaya ni Garcia sa liderato ng Kamara ang pasya kung ipapatupad ang dismissal order ng office of the Ombudsman laban sa kanya.