MANILA, Philippines — Tumimbuwang noon din ang isang riding-in-tandem na isnatser matapos makipagbarilan sa mga nagpapatrulyang pulis makaarang maaktuhan sa panghahablot ng bag ng isang babae, sa Sta. Cruz, Maynila, kahapon ng madaling araw.
Dead-on-arrival sa Justice Jose Abad Santos General Hospital ang dalawang suspek na inilarawan ang isa na may taas na 5’4, nasa 25-30 ang edad , nakasuot ng maroon shorts , habang ang isa pa ay nasa 5’6 ang taas, nasa 25-30 din ang edad, naka-maong short pants, may mga tattoo na “BCJ” (Batang City Jail) sa likod, at “Perola” sa kanang braso.
Sinabi ng hepe ng Manila Police District-Station 11 na si Supt. Amante Daro, na habang nagpapatrulya ang kaniyang mga tauhan mula sa Gandara Police Community Precinct ala 1:50 ng madaling araw kahapon (Pebrero 11) nang mapansin ang komosyon sa pagitan ng McArthur Bridge at isang pribadong parking lot.
Nang lapitan ay nakita na hinahablot ng dalawang magka-angkas sa motorsiklo ang bag ng isang babae kaya aktong aarestuhin ay pinaputukan sila ng isa sa suspek kaya nauwi sa palitan ng putok hanggang sa bumulagta ang dalawa.
Narekober sa crime scene ang isang Armscor 212 caliber .38 revolver na walang serial number, 4 na bala at 2 basyo at ang motorsiklong ginamit ng dalawang suspek na Suzuki Raider na kulay itim (BH 8197).
Nakuha naman mula sa mga suspek ang isang sling bag na may lamang 6 na sachet ng pinaniniwalaang shabu, drug paraphernalias, at P325.00 cash.
Patuloy pang iniimbestigahan ng MPD-Homicide Section ang insidente.