MANILA, Philippines — Inaresto kahapon ang tatlong pulis-Caloocan na pawang suspek sa pagpatay kay Kian Lloyd Delos Santos, 17 matapos na magpalabas ng warrant of arrest ang Caloocan RTC.
Inilabas ni Judge Rodolfo Asuzena Jr, ng RTC Branch 125, ang warrant of arrest laban kina PO3 Arnel Oares, PO1 Jeremias Pereda, at PO1 Jerwin Cruz na pawang kinasuhan ng murder at planting of evidence.
Isinilbi ang warrant of arrest sa tatlong pulis na nakadetine sa National Capitol Region Police Office Holding sa Taguig City.
Bukod sa tatlong pulis pinapaaresto rin ang police asset na si Renato Perez Loveras, na nagsabi na si Delos Santos ay sangkot sa droga. Nakita rin sa CCTV si Loveras kasama ang tatlong pulis na kinakaladkad si Delos Santos bago ito natagpuang patay.
Ang tatlong pulis na nakadestino sa Caloocan police station 7, ay miyembro ng anti-illegal drugs police operation na umaresto at bumaril kay Delos Santos noong Agosto 16 sa Brgy. 160 Sta.Quiteria, Caloocan City.