Bulkang Mayon muling sumabog

Muling nagbuga ng makapal na abo ang Bulkang Mayon matapos muling pumutok kahapon ng alas-9:00 ng umaga. Frenzy Rose Tolentinas

MANILA, Philippines — Naitala ng Philippine Institute of Volcano­logy (Phivolcs) na nasa limang kilometrong taas ang  ibinugang makapal na abo ng bulkang Mayon na tumagal ng walong minuto batay sa seismic record na nakuha sa naturang bulkan sa nakalipas na 24 oras.

Ang nasabing pagsabog ay nagdulot ng pyroclastic density currents (PDCs)  sa  gullies at barrancos papuntang  Miisi, Bonga, Buyuan, Basud, San Andres, Buang, Ano­ling at iba pang maliliit na ilog na nasa may  4  kilometers ng  summit vent sa loob ng walong kilo­metrong  Permanent Danger Zone (PDZ). 

Naitala din ang pagbuga ng abo sa kanlurang bahagi ng bulkan na bumagsak sa mga bayan ng  Guinobatan, Camalig, Oas, Polangui at Iriga City na sinundan ng pagkakaroon ng may  500 meter-high ash plume. 

Nakapagtala din ang bulkan ng limang  episodes ng  lava fountaining mula sa  summit crater ng bulkan ng tatlong beses na nagtagal ng 30 minuto.

Ang lava fountains ay umabot sa 500 meters hanggang 700 meters na taas at nagkaroon ng ash plumes na umabot sa may 2.5 kilometers hanggang  3 kilometers sa itaas ng bunganga ng bulkan.

Ang lava flows ay bumaba sa Miisi at Bonga Gullies at nagkaroon din ng pagbagsak ng maiinit na bato sa may  summit area.

Nakapagtala din ang bulkan ng dalawang  explosion-type earthquakes ,vertical column eruptions, 18  tremor events kasunod ng lava fountaining episodes, 35 rockfall events at 2 pyroclastic density currents (PDCs) makaraan ang pagbagsak ng lava.

Sa kasalukuyan, ang  Miisi at Buyuan lava flows ay may 3 kilometers at 200 meters mula sa  crater summit.

Nakapagtala din ang bulkan ng paglalabas ng asupre na may average  na  992 tonelada kada araw.

Magugunita na kahapon ay itinaas ng Phivolcs sa alert level 4 ang bulkang Mayon dahil matinding pag-aalburoto na senyales ng inaasa­hang pagsabog anumang oras.

Show comments