MANILA, Philippines — Bubuhaying muli ng Philippine National Police (PNP) ang Oplan Tokhang, isa sa mga istratehiya sa pinaigting na kampanya ng pamahalaang Duterte kontra droga sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.
Ito ang inihayag kahapon ni PNP Chief P/Director General Ronald “Bato” dela Rosa matapos namang i-turnover ng pamahalaang lungsod ng Valenzuela sa pangunguna ni Mayor Rex Gatchalian ang 60 mga bagong patrol vehicles at 8 K9 dogs sa Valenzuela City Police upang mapalakas pa ang anti-drug at anti-criminality operations sa kanilang hurisdiksyon.
Ang nasabing mga patrol vehicles na nagkakahalaga ng P1,017,740 bawat isa ay may nakakabit na Global Positioning System (GPS) at dashboard cameras.
Kasabay nito, tiniyak naman ni dela Rosa na sa pagbabalik sa Oplan Tokhang ng PNP ay tinagubilinan nito ang kanilang mga anti-drug operatives na maging magalang sa pagkatok sa mga bahay ng mga pinaghihinalaang drug personality at ipaliwanag ang intensiyon.
Sinabi nito na kung dati ay may mga insidente na kapag kumakatok ang mga pasaway na anti-drug operatives ay hinihingan ng pera ang mga drug personality kapalit ng pagbura sa pangalan ng mga ito sa drug list ay hindi na ito puwede sa kaniyang maigting na direktiba ngayong taon.
Matatandaang nitong Disyembre 5, 2017 ay muling inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang PNP na bumalik na sa drug war sa ikalawang pagkakataon matapos namang tumaas muli ang mga insidente ng kriminalidad at mamayagpag muli ang mga drug lord na umano’y hindi kinaya ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).