MANILA, Philippines — Hiniling ng Office of the Ombudsman sa Sandiganbayan na muling arestuhin si Palawan Governor Joel Reyes, sa kasong graft na may kaugnayan sa umano’y maanomalyang renewal ng small-scale mining permit.
Sa 3 pahinang omnibus motion sa 3rd division ng Sandiganbayan ay hiniling ng Ombudsman ang pagkansela ng piyansa sa kinakaharap nitong mga kasong graft.
Ito ay matapos iutos ng Court of Appeals noong nakaraang linggo sa Palawan Regional Trial Court na ibasura ang murder case ni Reyes at palayain dahil sa kawalan ng matibay na ebidendsiya kaugnay ng pagkamatay ng radio host at environmentalist na si Dr. Gerry Ortega.
Hiniling din ng prosekusyon, na kaagad mag-isyu ng commitment order para kay Reyes.
Paliwanag ng prosekusyon nag-iba na ang usapin ngayon matapos ito payagang makalaya ng CA.
Nakasaad pa sa mosyon na kailangang ikonsidera ng korte ang dating record ni Reyes na nagtago sa batas at naaresto sa Thailand kaya nararapat lamang na makansela ang piyansa nito at muling makulong.