UV express inireklamo sa taas-pasahe

Kaya nagbanta ang LTFRB na kakanselahin ang prangkisa ng alinmang mahuhuling pampasaherong sasakyan tulad ng mga UV Express.

Prangkisa kakanselahin-LTFRB...

MANILA, Philippines — Habang ipinagdiriwang ang Pista ng Itim na Nazareno ay siya naman ang pagtaas ng pasahe ng UV Express kahapon gayung hindi pa aprubado ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang anumang fare hike.

Kaya nagbanta ang LTFRB na kakanselahin ang prangkisa ng alinmang mahuhuling pampasaherong sasakyan tulad ng mga UV Express.

Ito ang banta ni LTFRB spokesperson Aillen Lizada matapos na makarating sa kanilang tanggapan ang mga reklamo ng commutters ng van na may rutang  Baclaran-Paliparan, Paliparan-Lawton, Paliparan-MOA at Meycauayan, Bulacan hanggang Quezon City na nagtaas ang mga ito ng P5.

Batay sa reklamo, pagsampa mo sa van ay agad na sinasabi ng driver na sila ay nagtaas ng P5 gayung walang maipakitang taripa.

Ang pagtaas daw nila ng pasahe ay dahil sa tumaas umano ang presyo ng petrolyo.

Ayon kay Lizada ay wala pa naman silang naipalalabas na desisyon para sa fare hike sa mga for-hire vehicles at walang sinumang mga pampasaherong sasakyan partikular ng mga UV Express ang maaaring magtaas agad ng pamasahe hanggang hindi nagdedesisyon ang LTFRB board para sa fare increase.

Bukod dito ay kaila­ngan ding magsampa muna sa LTFRB ng petition for fare increase ang mga passenger vehicles tulad ng naturang mga UV express units sa Bulacan at Cavite  upang maaksiyunan ng board ang kanilang nais na taas pasahe.

Kung mapatunayang nagtaas ng pasahe ang isang for hire vehicles ay maaaring makansela ang franchise bukod sa mul­tang P5,000.

Show comments