Pasay tserman nilikida

Nagtulung-tulong ang mga tao na nakasaksi sa pamamaril sa isang Pasay City barangay chairman na madala sa pagamutan matapos itong paulanan ng bala ng baril ng anim na armadong kalalakihan sa labas ng isang fastfood chain sa FB Harrison St. sa Maynila.
Miguel de Guzman

MANILA, Philippines — Bumulagta noon din ang isang 59-anyos na barangay captain matapos itong paulanan ng bala ng anim na armadong lalaki na pawang mga naka-face mask, sombrero, at helmet at magkaka-angkas sa tatlong motorsiklo, sa Malate, Maynila, kahapon ng hapon.

Kinilala ang nasa­wing biktima na si Abdul Munap Akok, residente ng no. 157 Estrella St., Pasay City at chairman ng Barangay 14, Zone 1, Pasay City na nagtamo ng maraming tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan na pinaniniwalaang mula sa kalibre 45 at kalibre 9 mm, base sa mga narekober na basyo ng bala sa crime scene.

Sa ulat ni SPO2 Mario Asilo ng Manila Police District-Homicide Section, dakong ala 1:00 ng hapon nang maganap ang pangraratrat ng mga suspek sa tapat ng isang kilalang fastfood chain sa panulukan ng FB Harrison at P. Ocampo Sts., sa Malate.

Aalamin pa sa lugar kung kaninong closed circuit television (CCTV) ang nakahagip sa insidente dahil base sa napanood na footage ay malabo umano ang kuha.

Nabatid na katatapos lamang kumain sa fast food chain ang biktima at isang lalaki na kaangkas din nito sa motorsiklo nang salubungin ng mga suspek at kinorner bago  pinaulanan ng bala ng tatlong backride  nang tumumba ang biktima ay nilapitan, pinutukan muli at kinuha ang dalang baril ng biktima ng isa sa mga suspek.

Nakatakbo naman ang backride ng biktima upang maisalba ang sarili sa pamamaril.

Patuloy pang iniim­bestigahan ang insidente at kung sino ang backride ng biktima na maaaring makuhanan ng impormasyon hinggil sa pangyayari.

Blangko pa ang mga awtoridad sa motibo ng krimen.

Ang labi ng biktima naman ay kinuha ng mga kaanak para sa tradisyunal na paglilibing ng Islam.

Show comments