MANILA, Philippines — Dalawang katao ang nasawi habang dalawang iba pa ang nasugatan matapos na pagbabarilin ng mga pulis at barangay tanod ang isang AUV na inakalang doon nakasakay ang armadong suspek na namaril naganap kamakalawa ng gabi sa Mandaluyong City.
Ayon kay Mandaluyong City police chief Senior Supt. Moises Villaceran Jr., na nagkamali ang kanyang mga tauhan sa pagbaril sa isang Mitsubishi Adventure na sinasakyan ng biktima ng pamamaril na si Jonalyn Ambaon na dadalhin sana sa ospital.
Binaril sa ulo si Ambaon sa isang construction site sa Addition Hills na namatay kalaunan sa ospital habang ang construction worker na si Jomar Hayawon ay namatay noon din dahil sa pagbaril sa sasakyan.
Nasugatan naman ang live-in partner ni Ambaon na si Eliseo Eluad at ang driver ng AUV na si Danilo Santiago.
Bago ito ay binisita ni Ambaon ang kaniyang live-in partner na si Eluad alyas Bobot sa construction site sa Mandaluyong City College Freedom Park, Brgy. Addition Hills na kung saan ay nakaaway ng huli ang grupo ng isang Albdulrakman Alfin.
Sa gitna ng mainitang pagtatalo ay pinaputukan ng grupo ni Alfin ang grupo ni Eluad na kung saan ay tinamaan sa ulo si Ambaon.
Mabilis na isinakay si Ambaon sa kulay puting Mitsubishi Adventure (WNX-737) para dalhin ito sa ospital, subalit humingi ng tulong si Alfin sa mga tanod ng Brgy. Addition Hills at inireport na may sakay na mga armadong kalalakihan ang SUV na humingi naman ng ayuda sa mga pulis sa Police Precint 1 ng Mandaluyong City Police.
Hinabol ng mga pulis at tanod ang behikulo at nang abutan sa Shaw Boulevard, Brgy. Old Wack Wack ay pinaputukan ng barangay tanod na si Gilbert Gulpo.
“Ang akala ng mga tanod ito ang bumaril, kaya ang ginawa nila hinabol nila, pinutukan. Pagdating ng pulis, ang akala ng pulis natin kasama ito sa mga bumaril doon, ‘yung tinuturo ng tanod,” wika ni Villaceran.
Nabatid na tinangkang buksan ng mga biktima ang pinto ng sasakyan at sumigaw na sila ay patungo sa ospital para dalhin si Ambaon, subalit hindi tumigil sa pagpaputok ang mga pulis.
Lumalabas din na nagsinungaling ang mga barangay tanod sa mga pulis na rumesponde sa pagsasabing sumakay ang mga suspek sa Adventure na puti at tumakbo na walang kaalam-alam ang mga una ay kaaway ng grupo ni Alfin.
Ayon sa mga nakaligtas na inakala nilang sila ay tutulungan ng mga dumating na barangay tanod, pero pinagbabaril sila ng mga ito.