MANILA, Philippines — Kinumpirma ng Bureau of Fire Protection (BFP) na kanila nang narekober ang sunog na mga bangkay ng 36 call center agent na nakulong sa nasunog na mall sa Davao City noong Disyembre 23.
Ayon kay Bureau of Fire Supt. Wilberto Rico Neil Kwan-Tiu, tumatayong ground commander at regional director ng BFP Region 11 na natagpuan ang bangkay ng 35 call center agent sa lobby ng SSI Call Center na nasa ikaapat na palapag ng mall, habang ang isa naman ay sa loob ng banyo.
Nakatakdang isailalim sa DNA testing ang mga labi para matukoy ang pagkakakilanlan ng mga ito.
Samantala, tiniyak naman ni Pangulong Rodrigo Duterte na magkakaroon ng isang masusing imbestigasyon tungkol sa nangyaring sunog.
Kabilang sa bubuuing inter-agency body ay magmumula sa National Bureau of Investigation, Philippine National Police at Bureau of Fire.
Maging ang mga Scene of the Crime Operatives (SOCO) ay sasali rin sa gagawing imbestigasyon.
Sinabi ng Pangulo na hahayaan niyang lumabas ang katotohanan at hindi magkakaroon ng cover-up at tiniyak rin na tutulungan ng gobyerno ang mga naulilang pamilya lalo na sa pagre-cover ng mga nasunog na katawan.