MANILA, Philippines — Apat katao ang nasawi habang 27 iba pa ang nasugatan matapos na mahulog sa bangin ang sinasakyan nilang pampasaherong jeep sa Brgy. Greenhills, Pres. Roxas, North Cotabato, nitong bisperas ng Pasko.
Tatlo sa mga nasawi ay nakilalang sina Ryan Marfore, Delfin Igian at Michael Dalig; pawang dead-on-the-spot sa insidente habang ang isa pang biktima na inaalam pa ang pangalan ay namatay habang nilalapatan ng lunas sa ospital.
Patuloy namang nilalapatan ng lunas sa pagamutan ang 27 pang mga sugatang biktima.
Sa ulat ng North Cotabato Police, bago nangyari ang trahedya dakong alas – 4:20 ng hapon sa nasabing lugar ay nagmamadaling umuwi ang mga biktima sa kanilang mga tahanan para maghanda ng noche buena.
Ang mga biktima ay galing Kidapawan City matapos na mamili ng pang-noche buena sa isang mall sa lungsod at pauwi na sa kanilang mga tahanan sa bayan ng Arakan nang mangyari ang malagim na trahedya.
Nawalan umano ng kontrol sa manibela ang driver ng pampasaherong jeepney (MVK 186) na si Wenfred Inutan, 32, matapos na masira ang preno ng behikulo habang bumabagtas sa matarik na highway sa nasabing lugar.
Tuluy-tuloy na nahulog sa bangin ang jeepney kung saan mabilis namang nagresponde ang lokal na rescue team at isinugod sa pagamutan ang mga sugatang biktima.