MANILA, Philippines — Isang pinaghihinalaang notoryus na bomber ang nasawi sa isang shootout matapos na ito ay manlaban sa pinagsanib na elemento ng pulisya at militar sa hangganan ng Maguindanao at Sultan Kudarat kahapon.
Ang nasawing suspek ay kinilalang si Abubakar Upam alyas Tho.
Sa ulat ni Sr. Supt. Raul Supiter, Provincial Commander ng Sultan Kudarat Police, bago naganap ang insidente bandang alas-7:00 ng umaga sa kahabaan ng national highway ng Brgy. Dasuli, Isulan, Sultan Kudarat ay nakatanggap ng report ang mga otoridad sa ilang residente hinggil sa kahina-hinalang presensya ng suspek.
Nang dumating ang mga otoridad sa lugar ay kanilang pinapasuko ang suspek, subalit bumunot ito ng baril at pinagbabaril nito ang mga pulis. Gumanti ng putok ang mga otoridad na ikinasawi ng suspek.
Hindi kaagad naialis ang bangkay ng suspek sa lugar dahilan sa may kargang eksplosibo sa tricycle nito.