MANILA, Philippines — Matapos na pormal na hilingin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Kongreso ang isang taon pang ekstensyon ng Martial Law sa Mindanao, iginiit kahapon ng Malacañang na gagamitin nito ang naturang pagpapalawig ng Batas Militar laban sa New People’s Army (NPA) at ISIS group sa Southern Philippines, ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque.
“As long as there are acts of rebellion committed in Mindanao, yes, he will use the Martial Law against NPA. President Duterte will use the full force of martial law vs NPA,” paliwanag pa ni Sec. Roque sa media briefing sa Malacañang kahapon.
Magugunita na idineklara na ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong nakaraang linggo na isang terrorist group ang NPA kasabay ang paghahain ng petisyon sa korte ng Department of Justice (DOJ) upang pormal na ideklara na terorista ang nasabing grupo.
Hiniling ng Pangulo sa Kongreso ang pagpapalawig ng Batas Militar dahil sa kabila ng pagkakapatay sa ISIS-Maute leaders na sina Isnilon Hapilon at Maute brothers, ay patuloy ang banta ng terorismo sa rehiyon ng Mindanao dahil sa patuloy ang ISIS group sa pagre-recruit ng bagong miyembro para sa planong pag-atake nito sa isa pang lungsod bukod sa pinaigting na opensiba ng NPA.
Tinukoy ng commander-in-chief ang mga lugar sa Central Mindanao lalo na sa mga probinsya ng Maguindanao, North Cotabato, Sulu at Basilan kung saan aktibo ang mga nasabing grupo.
Maliban dito, na-monitor din aniya ng militar ang kilos ng Turaife group na siyang kapalit umano ni Hapilon at nagbabalak ng mga pambobomba sa Cotabato area.
Nariyan din daw ang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) at Abu Sayyaf Group na responsable sa mga insidente ngayon ng mga roadside bombings at IED bombings sa Maguindanao, Cotabato, Basilan, Sulu, Tawi-Tawi at Zamboanga peninsula habang panay din ang pag-atake ng New People’s Army (NPA).
Nauna rito, sinabi ni PCOO Sec. Martin Andanar na may plano ang Daulah Islamiyah, isang teroristang grupong konektado sa Maute at Abu Sayyaf Group na umatake sa isang lungsod sa Mindanao.
Umaasa naman ang Palasyo na kakatigan ng Kongreso ang hinihiling ni Pangulong Duterte na 1-year extension ng Martial law sa Mindanao.