Encounter: 16 npa rebels napatay

Tinatanggal ng mga taga punerarya ang bangkay ng 9 na umano ay miyembro ng New People’s Army (NPA) sa isang van matapos na mapatay ng mga pulis at sundalo sa isang engkwentro sa Nasugbu, Batangas. Joven Cagande

5 sundalo sugatan...

MANILA, Philippines — Patay ang 14 na miyembro ng New People’s Army (NPA) kabilang ang isang kumander sa Nasugbu, Batangas habang 2 naman ang napatay sa San Agustin, Surigao del Sur, kamakalawa.

Ayon kay Brig. Gen. Arnulfo Marcelo Burgos Jr., Commander ng Army’s 202nd Infantry Brigade (IB), kabilang sa mga nasawing NPA terro­rist ay limang amasona at siyam na lalaki na ang isa dito ay hinihinalang Commander ng NPA na nagsisibling platoon leader na si Josephine Santiago Lapera alyas Ka Ela at isa pang opisyal na Kalihim ng NPA Guerilla Unit 3.

Batay sa ulat, bandang alas-8:20 ng gabi nang unang makasagupa ng tropa ng 730th Combat Group sa pamumuno ni Major Engelberto Nioda Jr. at ng iba pang mga tauhan ni Burgos ang grupo ng NPA terrorists sa Brgy. Away, Nasugbu ng lalawigan.

Nagresponde sa lugar ang tropa ni Nioda matapos na makatanggap ng report sa presensya ng mga armadong rebelde kung saan ay pinaputukan sila ng mga ito na lulan ng isang closed van at isang pampasaherong jeepney.

Habang papatakas ang mga rebelde ay nakasagupa naman ang mga ito ng tropa ng militar sa pamumuno ni 1st Lt. Elmer Barcenas katuwang ang mga miyembro ng Provincial Public Safety Company (PPSC) at Na­sugbu Municipal Police Station sa Brgy. Kalaway ng bayang ito.Tumagal ng  20 hanggang 30 minuto ang bakbakan na ikinasawi ng 14 rebelde at pagkasugat ng limang sundalo na ang ilan ay kinilalang sina Nioda, 2nd Lt. Eliseo Insierto  at Technical Sergeant Kenneth Lopez  ng Philippine Army.

Ang nasabing mga rebelde na una nang nakasagupa ng tropa ng militar noong Nobyembre 20 sa Brgy. Utod, Nasugbu ang nabulgar na nagplano umanong mananabotahe sa nagdaang ASEAN Summit noong Nobyembre 13-15 ng taong ito kung saan isa sa mga te­rorista ang napatay.

Samantala, sa Surigao del Sur napatay din ang dalawang miyembro ng mga teroristang NPA  sa pakikipagengkuwentro sa tropa ng mga sundalo sa bulubunduking bahagi ng Brgy. Buhisan, San Agustin.

Ayon kay Captain Rudolfo Cordero Jr., Spokesman ng Army’s 401st Infantry Brigade, dakong ala-1:30 ng hapon nang makasagupa ng tropang gobyerno ang NPA terrorists sa  nasabing lugar.

Tumagal ng halos isang oras ang sagupaan na  ikinasawi ng dalawang NPA terrorists na inabandona ng mga nagsitakas na mga kasamahan.

Show comments