MANILA, Philippines — Iisnabin ngayong araw ni Supreme Court Chief Justice Ma. Lourdes Sereno ang pagdinig ng House Justice Committee para sa impeachment complaint laban sa kanya.
Sa tatlong pahinang liham ni Sereno na isinumite ng kanyang abogado sa House Justice Committee na naka-address kay Chairman Reynaldo Umali, nagpasalamat ang punong mahistrado sa imbitasyon sa kanya ng komite.
Ipinababatid nila na si Sereno sa pamamagitan ng Special Power of Attorney o SPA ay kakatawanin ng 11 abogado sa pagdinig kabilang na dito sina Attys. Alexander Poblador, Dino Vicencio Tamayo, Anzan Dy,Justin Christopher Mendoza, Carla Pingul, Sandara Mae Magalang, Jayson Aguilar, Oswald Imbat, Enrico Edmundo Castelo II, Charles Richard Avila Jr. at Patricia Gerladez.
Ayon naman kay Atty. Josa Deinla, tapagsalita ng punong Mahistrado na bahala na ang naturang mga abogado sa magiging diskarte sakaling totohanin ng Kamara na hindi sila papasukin sa hearing ngayong araw.
Nakasaad din sa naturang liham na hindi na kailangang humarap sa hearing ni Sereno dahil naipaliwanag na niya ang kanyang mga panig sa isinumite niyang reply sa complaint ni Atty. Larry Gadon.
Sa pagdinig ngayong araw ng komite ay aalamin ang determination of probable cause sa impeachment case ni Sereno.
Samantala, sinupalpal naman ng Malacañang si Sereno sa pagsasabing pag-atake sa demokrasya ng bansa ang impeachment case na kanyang kinakaharap sa Kongreso.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque sa media briefing, mali ang pagkakaintindi ni Chief Justice Sereno sa impeachment proceedings.
Tila, anya nakalimutan ng punong mahistrado na ang impeachment proceedings ay ginagarantiyahan mismo ng Saligang Batas na niratipikahan ng sambayanang Pilipino.