Kilos protesta sa Asean Summit…
MANILA, Philippines — Nauwi sa gulo at nagresulta sa pagkasugat ng may halos 80 katao ang matensyong pagra-rally ng mga militante nang pilitin ng mga ito na makalusot at makalapit sa US Embassy makaraang pigilin sila ng mga anti-riot police, sa Taft Ave. sa kanto ng Padre Faura St., sa Maynila kaugnay ng pagsisimula ng 31st Association of Southeast Asian Nation (ASEAN) Summit kahapon.
Nasa 6 na pulis ang ginamot ng Manila Police District (MPD) medical team habang ilang demonstrador ang nasaktan at bumagsak nang maipit sa tulakan, batuhan at balyahan kasunod ng pambobomba ng tubig ng mga bumbero dakong alas-10 ng umaga.
Humupa ang tensiyon nang sabayan ng Long Range Acoustic Device (LRAD) ng kapulisan, ang malakas at nakatutulig na tunog, ang pagbomba ng tubig ng mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP).
Personal namang inalam nina National Capital Region Police Office (NCRPO) chief, Dir. Gen. Oscar Albayalde at MPD Dir. Joel Napoleon Coronel ang kalagayan ng mga nasugatang pulis, na ayon sa kanila ay pawang minor injuries lang ang tinamo.
Itinuloy pa rin ang programa ng mga demonstrador hanggang sa sunugin pa nila ang 13 talampakang effigy ni US President Donald Trump, sa Taft Avenue southbound lane, sa tabi ng Korte Suprema.
Nasa humigit kumulang sa 2 libo ang mga raliyista ayon sa pulisya habang ang pagtaya naman ng grupo ng raliyista ay nasa 15 hanggang 20 libo sila.