MANILA, Philippines — Nadakip ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa isang pagsalakay ang babaeng anak ng isang nakakulong na drug queen nang salakayin ang condominium unit nito na nasa tabi ng Palasyo ng Malacañang sa San Miguel, Maynila at ang selda ng huli sa Mandaluyong City, kahapon ng umaga.
Kinilala ang naarestong suspek na si Diane Yu Uy at nasamsam dito ang mahigit dalawang kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P10 milyon sa kanyang tinutuluyang condominium sa Gen. Solano St., San Miguel, Maynila na ilang metro lamang ang layo sa Gate 1 ng Malacañang Palace.
Ayon kay PDEA Director General Aaron Aquino, nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa illegal na aktibidad ni Diane, kaya’t kaagad na isinagawa ang pagsalakay sa bisa ng isang search warrant.
Bago naaresto si Diane ay una nang sinalakay ng pinagsanib na pwersa ng PDEA, SWAT, PNP-LRU at BuCor ang selda ng kanyang ina na si Yu Yuk Lai sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong City dakong alas-4:30 ng madaling araw kahapon.
Nakuha sa kubol ni Lai, na tinaguriang drug queen ang 27 pantyliners na may palamang mga shabu at samu’t saring bloke ng crystals.
Tinatayang nasa 135 gramo ng shabu ang nakuha na nakapalaman sa 27 pantyliners na ang halaga ay nasa P1-milyon at sa selda nito ay nakuha ang dalawang kilo pa ng shabu na nagkakahalaga ng P10-milyon, 19 tseke na may halagang P4.5 milyon at P100,000 cash.
Isinagawa ang pagsalakay sa selda ni Lai nang makumpirma sa isang buwang surveillance at test buys na may nabibiling sachet ng shabu na nakapalaman sa panty liners.
Hinala ng PDEA na ginagamit ng drug queen ang kanyang anak bilang kanyang operator sa labas, habang siya ay nasa loob ng bilangguan.
Si Diane ay kinasuhan ng paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.