Bautista hindi na lilitisin sa impeachment

MANILA, Philippines — Matapos na ideklara ng House of Representatives na ‘moot and academic na ang proseso ng inihaing impeachment laban sa nagbitiw na si Comelec Chairman Andres Bautista ay hindi na rin itutuloy ng Senado ang impeachment trial.

Ayon kay Senate Majority Leader Vicente “Tito” Sotto III, wala na silang patatalsikin sa puwesto kaya hindi na rin tuloy ang trial.

Nauna rito mismong si Bautista ang naghayag sa isang press confe­rence na agad na agad na tinanggap ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang resignation kaya hindi na siya maghihintay ng hanggang Disyembre 31 bago bumaba sa puwesto.

Ayon kay Oriental Mindoro Rep. Reynaldo Umali, natanggap niya ang liham ni Executive Secretary Salvador Medial­dea nang dalhin ng mga abogado ni Bautista dakong alas-8:21 ng umaga kung saan nakasaad na tinanggap na ni Pangulong Duterte ang resignation letter ng Co­melec chairman.

Ang impeachment complaint ay inihain ni dating Congressman Jing Paras at Atty.Ferdinand Topacio at magkakaroon sana ng deliberasyon kahapon ang komite para sa articles of impeachment laban kay Bautista matapos mapagbotohan sa ple­naryo.-

Show comments