Tangke ng tubig sumabog: 4 todas

Ang wasak na water tank matapos itong sumabog sa Brgy. Muzon, San Jose Del Monte, Bulacan na ikinasawi ng apat katao kahapon ng madaling araw. Michael Varcas  

MANILA, Philippines — Nasawi ang apat katao kabilang ang dalawang sanggol habang nasa 45 iba pa ang nasugatan makaraang sumabog ang isang higanteng tangke ng tubig kahapon ng mada­ling araw sa Brgy. Muzon, San Jose del Monte City, Bulacan.

Ang mga nasawi noon din ay kinilalang sina Jimmy Garcia, 50, isang volunteer;Elanie Chamzon, 22, at Jaina Espina, 1, habang binawian ng buhay sa pagamutan ang 1-anyos na si Nina Ape.

Nasa 45 katao ang nasugatan na ang dalawa dito ay malubha ang kalagayan na patuloy na nilalapatan ng lunas sa pagamutan.

Sa report ni San Jose del Monte City Police Director P/Supt. Fitz Macariola, nangyari ang aksidente bandang alas-3:30 ng madaling araw nang sumabog at nawasak ang water tank na bumagsak sa may 60 kabahayan kasabay ng pagragasa ng libu-libong litro ng tubig habang mahimbing na natutulog ang mga biktima.

Ayon kay Macariola nasa 2,000 cubic meters ng tubig ang laman ng water tank o mahigit 9,000 drums kung saan nasa 13 metro ang taas nito. 

May ilang bahay at ilang sasakyan  ang napinsala sa insidente sa pagkawasak ng water tank na nakalapat sa lupa at gawa sa bakal.

Ayon sa salaysay ng isang caretaker may narinig silang tunog ng pagkasira sa pagbitak ng tangke bago ito sumabog at tuluyang mawasak.

Inihayag pa ng opisyal na ginagamit ng Water District ng San Jose del Monte ang tangke na posibleng puno ito ng tubig kaya bumigay.

Tiniyak naman ni San Jose del Monte City Mayor Arthur Robes na regular na iniinspeksyon ang tangke ng tubig.

Ayon naman sa pahayag ni Engineer Loreto Limcolioc, General Manager ng San Jose del Monte Water District hindi pa nila alam kung ano ang sanhi ng pagsabog ng tangke na pitong taon nang nakatayo at regular namang minamantine.

Show comments