MANILA, Philippines — Simula na ang total gun ban sa buong bansa dahil sa Barangay at Sangguniang Kabataan elections.
Ito ang naging paalala ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Director Oscar Albayalde sa publiko na nangangahulugan na wala nang maaaring magbibitbit ng baril sa labas ng bahay.
Noong Linggo ng alas-12:01 ng madaling araw ay sinimulan na ng pulisya ang checkpoints sa ibat- ibang lugar sa buong bansa matapos na inanunsiyo ng Commission on Elections (Comelec) na opisyal nang nagsimula ang panahon ng eleksyon sa kabila ng panukalang pagpapaliban ng halalan hanggang sa ikalawang linggo ng Mayo 2018.
Iginiit ni Albayalde na mas paiigtingin pa ng PNP ang kanilang checkpoints gayundin ang police visibility sa buong bansa.
Pinaalalahanan din niya sa publiko na hindi kailagan kapain o halughugin ang mga gamit ng pasahero at motorista sa halip ay plain view doctrine lang ang ipapatupad.
Tatagal ang nationwide gun ban hanggang Oktubre 30,subalit maaaring ipatigil kung hindi matutuloy ang elections ngayong taon.
Sa ilalim ng gun ban ay pansamantalang mawawala ng bisa ang permit to carry (PTC) ang isang pribadong indibidwal at tanging mga pulis at militar lamang ang pinapayagang magdala ng baril habang umiiral ang nasabing kautusan.
Mahaharap sa anim hanggang 12 taon pagkakabilanggo ang sinumang mahuhuling lumabag sa kautusan.