6 barko ng raliyista vs Digong
Susugod ngayon sa ‘National Day of Protest’...
MANILA, Philippines — Susugod sa Metro Manila ang anim na barko ng mga raliyista na galing umano sa Visayas at Mindanao para lumahok sa ilulunsad ngayong araw na ‘national day of protest’ kasabay ng paggunita sa ika-45 taong deklarasyon ng martial law ng yumaong si dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Ayon naman kay Philippine National Police (PNP) Chief P/Director General Ronald “Bato” dela Rosa na inalerto na niya ang buong puwersa ng PNP sa mga lugar na pagdarausan ng demonstrasyon.
“We have enough preparations and we are monitoring the event, we are prepared. Nag-hire daw sila (rally organizers) ng anim na barko para kargahan ng mga galing sa Mindanao at Visayas para pumunta dito sa Metro Manila,” ani Dela Rosa kaugnay ng gaganaping rally pero sinabing bineberipika pa nila ang impormasyon.
Una nang sinabi ni Bayan Muna Rep. Teodoro Casiño na nasa 100,000 anti-Duterte rallyists ang lalahok sa kilos protesta kabilang ang Movement Against Tyranny.
Ayon kay Dela Rosa, mahigpit ring babantayan ang hanay ng mga raliyista dahilan baka lumahok rito ang mga rebeldeng New People’s Army (NPA) na posibleng maghasik ng kaguluhan.
“Ang kinukuha nila yung madali nilang mauto na mga native doon sa Mindanao saka Visayas at alam natin diyan namo-monitor natin yan kapag ganyang mga movement pati yung galing sa armadong NPA, hindi lang nagdadala ng armas pero sumasama sa rally na yan, kaya binabantayan natin ng husto,” ani Dela Rosa.
Binigyang diin ni Dela Rosa na maaring maghayag ng kanilang mga hinaing at sentimiyento sa administrasyon kahit paabutin pa hanggang langit ng mga raliyista basta’t huwag lamang ang mga itong mananakit ng kanilang kapwa.
Binigyang diin pa ni Dela Rosa na hindi na nais ng PNP na maulit muli ang nangyari sa Kidapawan City matapos na pasukin ng mga armadong rebelde na nagpaputok sa mga pulis ang hanay ng mga nagsisipag-rally na mga Lumad o katutubo noong Abril 2016 na ikinasugat ng mahigit 100 katao.
- Latest