2 poste bumagsak, mag-asawa todas
MANILA, Philippines — Patay ang mag-asawang sakay ng motorsiklo matapos madamay sa pagbagsak ng dalawang poste ng kuryente nang tamaan ng kawad na sumabit sa isang dump truck kahapon ng umaga sa Congressional Avenue Extension, Quezon City.
Batay sa ulat ni PO1 Peter Barase, ng Traffic Sector 6, dakong alas-11:00 ng umaga ay binabagtas ng dump truck (RCJ-369) ang kahabaan ng Congressional Avenue Extension nang sumabit ito sa kable ng kuryente sa tapat ng Mira Nila Homes.
Nabagsakan ng naputol na kable ang kasunod na motorsiklong lulan ng mag-asawang sina Christian Calleja, 30 at Jennlyn Reyes-Calleja, 22 na tumilapon at nadaganan pa ng dump truck na naging dahilan ng kanilang kamatayan.
“Ang nangyari kasi pa-Tandang Sora ang dump truck, hindi niya namalayan yung kable ng Meralco ay sumabit sa may likuran niya at nahatak niya kaya tumama sa mag-asawa,” sabi ng isang testigo.
Isang Toyota Vios na may plakang VZ 3539 rin ang nadamay matapos itong mabagsakan ng poste sa kabilang bahagi ng gusali at sa kabutihang palad ay ligtas naman ang sakay at driver nito na hindi na tinukoy ang pangalan.
Batay sa ulat, nabuwal ang unang poste nang mahila ang mga kable nito ng isang truck na nakaangat ang loader o likuran.
Dito ay nasagi ng mga kable ang mag-asawa na sakay ng motorsiklo habang kasunod ng truck, dahilan para tumilapon sila sa daan.
Nahila rin ng truck ang isa pang poste na natumba naman sa isang kotse na kung saan ay masuwerteng nakaligtas ang drayber.
Ayon sa pulisya, hindi umano alam ng truck driver na si Raly Brent Reyes, 50 na nakaangat ang loader.
Pero sa salaysay ng testigong si Grace Cortez, bumili sa kanya ng buko juice si Reyes at sinabihan niyang nakaangat ang loader, pero hindi siya pinansin nito.
Ilang saglit ay nakarinig na lang siya ng malakas na tunog nang maaksidente ang truck.
Nakatakdang kasuhan ng reckless imprudence resulting to double homicide ang driver.
- Latest