MANILA, Philippines - Maaaring bigyan ng proteksyon ang pamilya ng mga testigo sa kaso ni Kian Delos Santos.
Ito ang sinabi ni Department of Justice Secretary Vitaliano Aguirre II, na layunin ay matiyak ang kaligtasan ng buong pamilya ng mga tumutulong sa imbestigasyon.
Aniya, prayoridad nila ngayon ang seguridad ng pamilya ni Kian lalo pa’t may ilang grupo na nais na makisawsaw sa isyu.
Una rito, napagsabihan ng ilang senador si Aguirre at isang Caloocan prosecutor dahil sa mga premature statement ng mga ito sa kaso ni Kian.
Samantala, welcome naman sa PNP ang pagsasampa ng kaso laban sa tatlong police Caloocan na sina PO3 Arnel Oares, PO1s Jeremias Pereda at Jerwin Cruz na umano’y pumatay kay Kian.
Ayon kay PNP spokesman Chief Supt. Dionardo Carlos, sa ganitong paraan ay mabibigyan din ng pagkakataon ang mga pulis na makapag-presinta ng kanilang ebidensiya sa korte at maipagtanggol ang mga alegasyon laban sa kanila.
Iginiit naman ni Carlos na hindi kukunsintihin ng liderato ng PNP ang anumang masamang ginagawa ng kanilang mga miyembro at mananatili pa rin umanong inosente ang sinumang police personnel na maaakusahan maliban na lamang kung sabihin ng korte na guilty sila sa kaso kaya dapat pa rin igalang ang kanilang karapatan.