MANILA, Philippines - Isa-isa nang pinangalanan kahapon ni Senator Panfilo Lacson ang mga protektor at indibidwal na nakikinabang sa smuggling activities sa Bureau of Customs kung saan nangunguna sa listahan si dating Customs Commissioner Nicanor Faeldon na tumanggap umano ng P100 milyong “pasalubong” bilang paunang “tara” o “payola”.
Sa privilege speech ni Lacson sa Senado na inabangan ng publiko, una niyang binanatan si Faeldon na nagsabing “tapat” at mag-isang ginagampanan ang kanyang tungkulin sa BoC simula nang siya ay maupo noong Hulyo 1, 2016.
Sinabi ni Lacson na hindi totoong nag-iisa si Faeldon dahil lumalabas sa rekord agad niyang ipinasok sa nasabing araw sa BoC sina Gerardo Gambala, Milo Maestrecampo, Atty. Many Therese Anderson at Henry Torres bilang mga technical assistants na tumatanggap ng P40,000-P50,000 buwanang kompensasyon.
Bilang pinuno aniya ng bureau, kinain umano si Faeldon ng sistema pagdating sa pagtanggap ng “tara” o “payola” kapalit ng malayang pagpapalusot ng mga illegal shipment sa BoC.
Sinabi ni Lacson na sa halip na buwagin ni Faeldon ang “tara system” sa BoC, siya pa ang nangunsinti at nagpalala sa korapsyon sa loob ng bureau.
Ibinunyag ni Lacson na usap-usapan sa BoC ang pagtanggap ng P100 milyon ni Faeldon bilang “welcome pasalubong nang maupo sa Customs.
Aniya, kung sa Armed Forces of the Philippines (AFP) ay may tinatawag na ‘Goodbye Pabaon”, sa BoC naman ay “welcome pasalubong”.
Bukod kay Faeldon, matapang na tinukoy ni Lacson isa-isa sa kanyang privilege speech sa Senado ang mga tumatanggap ng tara sa BoC kabilang na ang iba’t ibang tanggapan.
Ayon kay Lacson, mula sa kanyang sources, sa “standard tara” kumukubra ng P19,000-P45,000 kada container ang mga opisyal ng Central Customs Office habang ang Manila International Container Port (MICP) officials at employees ay kumokolekta ng payola na P14,700-P23,700 para sa 40-footer container. Ang kabuuang tara na binabayaran kada container ay mula P33,000-P68,000.
Sa 40-footer container para sa Port of Manila (POM), ang tara ng Customs officials at employees ay P15,700-P26,700. Kung idadagdag sa standard tara na binaggit, ang kabuuang tara ay umaabot sa P34,700-P71,00.
Para sa 20-footer container, may karagdagang P12,200-P20,700 ang tara para sa Customs officials at employees sa MICP na idagdag sa standard tara, ay aabot sa kabuuang P31,200-P65,000.
Sa Port of Manila (POM), tumatanggap din umano ang mga opisyal at empleado ng Customs ng tara na P13,200-P23,700 sanhi ng kabuuang tara na umaabot sa P32,200-P68,700.
Sa nabanggit, ang share ng bawat tanggapan o indibiduwal sa loob ng BoC ay pumapatak ng P200 hanggang P15,000 kada container.