3 pulis-Caloocan na sangkot sa pagpatay sa Grade 11 sinibak sa puwesto
MANILA, Philippines - Sinibak na sa puwesto ang tatlong pulis na sangkot sa operasyon na ikinamatay ng Grade 11 student na si Kian Lloyd Delos Santos,17-anyos nitong Huwebes sa Brgy.160, Caloocan City.
Ayon kay National Capital Region Police Office Director Oscar Albayalde agad niyang sinibak ang tatlong sangkot na pulis na sina PO2 Arnel Oares; PO1s Jeremias Pereda; at Jerwin Cruz at maging ang PCP (Police Community Precinct) commander nasi C/Insp. Amor Cerillo na pansamantalang itinalaga sa Regional Police Holding and Accounting Unit habang isinasagawa ang partial investigation.
Nagbigay na rin ng direktiba si Albayalde sa Regional Investigation Division na makipag ugnayan sa Internal Affairs Service (IAS) para sa isasagawang imbestigasyon.
Inatasan na rin umano niya ang District Director ng Northern Police District na siguruhin ang kaligtasan ng mga kamag-anak ng biktimang si Delos Santos at maging ang hepe ng Caloocan City police ay inatasan na magsagawa ng sarili nilang imbestigasyon.
Inaasahan naman ng NCRPO chief na sa loob ng isa o dalawang linggo ay matatapos at ilalabas ng IAS ang sarili nilang imbestigasyon kaugnay sa nangyaring insidente.
Batay sa spot report ng pulisya na nanlaban umano ang biktima at nagpapaputok ng baril kaya nila pinaputukan ito subalit base sa kuha ng CCTV ay nakitang hawak ng dalawang pulis ang braso ng biktima.
May dalawang saksi rin ang nagsasabing piniringan, pinagsusuntok at sinikmuraan pa ang binatilyo nang arestuhin. Nasundan din ng mga saksi ang mga pulis at kita umano nilang inabot sa binatilyo ang isang baril.
Sinabihan umano ito na iputok ang baril saka tumakbo. Nang tumakbo ang binatilyo, doon na siya pinaputukan ng mga pulis.
Sinabi naman ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Ronald “Bato” dela Rosa na hindi niya palulusutin ang kanyang mga tauhan kapag nadiskubre na umabuso sila at papanagutin niya ang mga ito lalo na kung mayroong mga ebidensiya na magdidiin sa mga pulis na itinuring nitong walang mga puso.
- Latest