MANILA, Philippines - Kinandado ng pamunuan ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang 10 bus terminal sa kahabaan ng Edsa, Quezon City dahil sa hindi umano pagsunod sa panuntunan ng ahensya at paglabag sa Business Permit and Licensing Office (BPLO).
Dakong ala-1:30 ng tanghali nang pangunahan ni MMDA Chairman Danny Lim katuwang ang Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) at Quezon City BPLO ang operasyon.
Ang mga isinarang terminal ay kinabibilangan ng Jac Liner, Philtranco, DLTB Company, Five Star Liner, Pangasinan Cisco, Golden Bee, First Nort Luzon, Amihan Bus Lines, Lucena Lines at ES Transport terminal na pawang nasa kahabaan ng Edsa, Quezon City.
Ayon kay Lim, isinara nila ang mga naturang terminal dahil sa hindi pagsunod sa ipinatutupad nilang ‘Nose In, Nose Out policy’ at ordinansa ng local government unit.
Una nang ipinasara ng MMDA ang apat na bus terminal sa Edsa-Pasay City dahil din sa kaparehong paglabag.