Apektado ng bird flu...
MANILA, Philippines - Aabot sa 1 milyong manok sa Pampanga ang nakatakdang katayin dahil sa apektado ang mga ito ng avian flu na unang nangyari sa bansa.
Ito ay batay sa utos ni Department of Agriculture (DA) Secretary Emmanuel Piñol at idineklara ang state of calamity sa Pampanga.
Ayon sa kalihim, nakumpirma sa mga tests na isinagawa ng Bureau of Animal Industry (BAI) at University of the Philippines-Los Baños (UPLB) ang pagkakaroon ng H5 strain ng virus sa isang farm sa Brgy. San Agustin sa San Luis, Pampanga matapos na iniulat ng may-ari nito hinggil sa biglaang pagkamatay ng kanyang mga alagang manok, pugo, at pato.
Sa report na isinumite sa BAI, kumalat na ang flu sa anim na poultry farms sa nasabing bayan at apektado sa pagkatay na nakatakdang gawin ng DA ay ang mga farms na sakop ng one kilometer radius.
Tinatayang humigit kumulang 400,000 fowls umano ang kanilang nakatakdang katayin na maaari pang umabot ng isang milyon, kabilang na ang mga free range, stray fowls at fighting cocks sa San Luis.
Sa ngayon, 37,000 na mga manok, pato, ibon at iba pang tulad nito ang namatay na dahil sa nasabing virus.
Iginiit naman ni Piñol na hindi dapat ito magdulot ng panic sa publiko sapagkat matagal na raw napaghandaan ng gobyerno ang pangyayaring ito.
Ilan sa mga tinitingnan ng DA sa posibleng dahilan sa bird flu outbreak ay dahil sa mga migratory birds o mga smuggled na manok na nakakapasok sa bansa.
Samantala, sinabi rin ni Piñol na babayaran ng P80 ang bawat isang manok na kakatayin upang makabawi ang may-ari nito. Mayroon din aniyang loan package para sa mga farmers na naapektuhan ng outbreak.