Ozamiz Mayor, misis, 13 pa patay sa raid

Nasa larawan si Ozamiz City Mayor Reynaldo “Aldong” Parojinog at ang kanyang anak na si Ozamiz Vice Mayor Princess Nova Parojinog-Echaves. Napatay si ‘Aldong’ sa naturang raid habang ang kanyang anak naman ay naaresto at nasa kustodiya na ngayon ng pulisya. – Photo courtesy of CNN Philippines

MANILA, Philippines - Napatay ng mga pulis si Ozamiz City, Misamis Occidental Mayor Reynaldo “Aldong” Parojinog, misis nitong si Susan Parojinog at labingtatlong iba pa nang sila ay pagbabarilin nang pumalag sa isinagawang raid ng mga pulis sa kanilang compound, Brgy. San Roque Lawis, kahapon ng madaling araw.

Bukod sa mag-asawang Parojinog napatay din sina Board Member Octavio Parojinog Jr.; sibilyan volunteer na sina Miguel del Victoria; Nestor Cabalan; Daniel D. Vasquez at isang JR na kasapi ng Lumad TV, at walo pa sa security armed group ng alkalde.

Ayon kay Chief Supt. Timoteo Pacleb, hepe ng Northern Mindanao PNP na dakong alas-2:30 kahapon ng madaling araw nang isilbi ng CIDG ang anim na search warrants sa alkalde at sa pamilya Parojinog dahil sa iligal na droga at mga armas nang sila ay paputukan ng mga tauhan ng mayor kaya’t gumanti ng putok ang mga pulis at napatay ang mga suspek.

Naaresto naman ang anak ni Mayor Parojinog na si Ozamiz Vice Mayor Princess Nova Parojinog-Echaves.

Nakumpiska sa iba’t ibang bahay ng Parojinog ang matataas na kalibre ng baril, mga granada, mga bundle ng pera na pinaghihinalaang galing sa droga.

Marami pang lugar tulad ng bukirin ng pamilya Parojinog sa Brgy. Cogon ang sinalakay na kung saan nakatakas si dating Ozamiz board member at ngayon ay City Councilor Ricardo “Ardot” O. Parojinog.

Ang raid ay naganap matapos na ibalik sa puwesto si dating Albuera City chief at ngayon ay Ozamiz City Police Director Jovie Espenido nang kanselahin ni PNP Director General chief Ronald “Bato” Dela Rosa ang 90-day suspension.

Ilan taon nang hawak ng mga Parojinog ang Ozamiz City kahit na may mga usap-usapan na sila ang isa sa pinakamalaking nagsu-supply ng droga sa Mindanao.

Magugunita na inihayag ni Pangulong Duterte si Mayor Parojinog at anak nitong si  Vice Mayor Princess sa listahan ng mga pulitiko na sangkot sa illegal drug trade noong nakalipas na taon at si Mayor Parojinog ay father-in-law ni Herbert Colongco, isa sa top drug lords sa bansa.

Show comments