MANILA, Philippines - Umabot umano sa 129 mga hinihinalang tulak at user ng iligal na droga ang napapatay kabilang ang mga “under investigation” sa ikalawang quarter ng kasalukuyang taon sa mga lungsod ng Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela.
Nakapaskil sa Northern Police District (NPD) Headquarters sa kanilang datos na mula Marso 1 hanggang Hunyo 29, 2017, nasa 43 mga hinihinalang tulak ng iligal na droga at 30 mga drug users ang napapaslang sa mga operasyon ng pulisya habang nasa 56 katao naman ang napaslang sa ilalim ng “death under investigation (DUI)” na hinihinalang may kinalaman sa iligal na droga.
Nangunguna dito ang Caloocan City Police na may pinakamalawak na nasasakupan at nakapagtala ng 29 pusher, 29 user na napatay at 30 kaso ng DUI. Apat na pusher, isang user na napaslang at 24 na DUI naman ang naitala sa Navotas City habang anim na tulak at isang DUI sa Valenzuela City. Sa Malabon City, tanging isang kaso lang ng DUI ang naitala sa kabila ng sinasabing pagiging talamak rin ng lungsod sa iligal na droga.
Ang naturang datos ay resulta ng walang humpay na operasyon ng NPD sa ilalim ng Project Tokhang: Double Barrel, ayon kay NPD Director, Chief Supt. Roberto Fajardo.
Sinabi ng heneral na patuloy ang pulisya sa pagpapatupad ng batas kontra iligal na droga na mandato ng Pangulong Duterte at upang makamit ang katiwasayan sa naturang mga lungsod.
Base pa sa datos, may kabuuang 458 drug personality ang kusang-loob na sumuko sa loob ng tatlong buwan, habang 992 drug user at 457 tulak ang nadakip sa kanilang mga operasyon.