Seguridad sa SONA mas hinigpitan
Dahil sa mga pag-atake ng NPA...
MANILA, Philippines - Hindi papapormahin ng mga pulis ang mga militante na magsasagawa ng kilos-protesta ngayong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Batasan Complex sa Quezon City.
Ito ang sinabi ni National Capital Regional Police Office chief, Police Director Oscar Albayalde, makaraan ang sunud-sunod na pag-atake ng mga miyembro ng New People’s Army (NPA) sa tropa ng pamahalaan at maging ang nagaganap na digmaan sa Marawi City.
Kinausap na ang mga lider ng mga militanteng grupo na bantayan ang kanilang hanay at huwag gagawa ng aksyon na makakasira sa seguridad dahil sa posibilidad na malusutan sila ng mga rebelde na magpapanggap na mga aktibista.
Ipinaliwanag pa ni Albayalde na batid ng lahat na nagkakaproblema ngayon sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng CPP-NPA-NDF (Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front) at ng pamahalaan kaya kailangan na mas mahigpit ang pagbabantay sa mga demonstrador.
Nasa 6,300 pulis at 300 sundalo ang itatalaga sa SONA ng Pangulo na mas malaki sa 4,000 tauhan na ikinalat noong nakaraang taon.
Nilinaw naman ng opisyal na wala pa silang nakakalap na impormasyon sa banta sa seguridad ng SONA buhat sa kanilang mga “intelligence networks”.
- Latest