MANILA, Philippines - Hindi na kailangan pang isama sa pagpapalawig ng deklarasyon ng martial law ng karagdagang limang buwan o hanggang Disyembre 31, 2017 sa buong rehiyon ng Mindanao ang Luzon at Visayas .
Ito ang nilinaw kahapon ni Defense Secretary Delfin Lorenzana matapos namang pagtibayin ang ekstensiyon ng martial law sa Mindanao Region sa isinagawang special joint session ng dalawang Kapulungan ng Kongreso nitong Sabado.
Sa pinagsamang boto ng mga Senador at Kongresista sa Kongreso, umaabot sa 261 ang bumoto ng pabor sa ekstensyon kung saan 16 sa nasabing bilang ay mga Senador. Nabatid na nangangailangan lamang ng 158 pinagsamang boto ng Senado at Kamara de Representantes para maaprubahan ang ekstensyon.
Sa panig ng Senado, tanging apat lamang ang komontra na kinabibilangan nina Senate Minority Leader Franklin Drilon, Senador Risa Hontiveros, Bam Aquino, at Francis “Kiko” Pangilinan.
Inihayag ni Lorenzana na makabubuti ang pagpapalawig ng martial law o Proclamation 216 dahilan posibleng magkaroon ng spill over ang rebelyon sa iba pang mga lungsod sa rehiyon ng Mindanao kung hindi ito gagawin.
Nabatid kay Lorenzana sa kabuuang 279 naisyuhan ng arrest order sa ilalim ng martial law ay nasa 66 pa lamang personalidad na sangkot sa rebelyon sa Marawi City ang naaresto ng security forces .
Iginiit pa ng Kalihim na hindi na kailangang isailalim sa martial law ang rehiyon ng Luzon at Visayas dahilan hindi na umano kailangan ang ekstensyon ng martial law para magapi ang komunistang grupo.
Sa panig naman ni AFP Chief of Staff Gen. Eduardo Año na kailangan ang limang buwang ektensyon ng martial law na inamin nitong siya nilang inirekomenda kay Pangulong Duterte .
“ We need more time to solve the security problem in Mindanao, to protect the people in the region. We want to destroy permanent threats in Mindanao”, pahayag ng opisyal. Kabilang dito ay ang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa Central Mindanao at mga bandidong Abu Sayyaf Group na may hawak pang mga hostages sa Sulu at maging sa Basilan.