MANILA, Philippines - Positibong ginahasa ng pangunahing suspek sa Bulacan massacre ang isang ginang na isa sa mga biktima, habang hindi naman iisa ang mga salarin sa nangyaring karumaldumal na krimen sa San Jose del Monte City, Bulacan noong Hunyo 27 ng taong ito.
Ito ang kinumpirma kahapon ni Sr. Supt. Romeo Caramat III, Provincial Director ng Bulacan Police base sa DNA test ng pangunahing suspect na si Carmelino ”Miling” Ibañes na nag-match sa DNA sample na nakuha sa ari ng biktimang si Estrella Dizon Carlos, 35.
“ After almost two (2) weeks of waiting, the results of DNA testing on the submitted vaginal and buccal swabs to include the hair strands, fingernails were finally released. Base on the report of Crime Laboratory Office, it is only Miling who was found positive on the DNA tests”, ani Caramat sa mediamen.
Samantalang ang apat pang ‘persons of interest ‘ ay pawang negatibo ang resulta.
Dahil dito, ayon sa opisyal ay mapagtitibay ang 5 counts ng murder at dalawang counts ng rape laban kay Ibañes.
Bukod kay Estrella, patay rin sa insidente ang tatlo nitong mga anak na sina Donnie, 11, Ella, 7 at Dexter Jr., 1 anyos gayundin ang kaniyang ina na si Auring Dizon, 58- taong gulang na natagpuang walang pang-ibabang saplot sa katawan. Si Estrella ay narekober na hubo’t hubad sa crime scene kung saan ang mga biktima ay pawang tadtad ng mga tama ng saksak sa katawan.
Bagaman walang nakitang DNA sample ng mga suspect sa ari ni Auring ay hindi nangangahulugan na walang ‘penetration’ sa matanda pero ang paghipo sa maselang bahagi ng katawan ng babae ay ikinokonsidera na ring bahagi ng rape.
Ayon pa sa opisyal , walang nakitang “DNA profiles’ ng mga “persons of interest’ sa crime scene pero hindi ito nangangahulugan na hindi nagpartisipa ang mga ito sa krimen.
Lumilitaw rin base sa pagsusuri ng mga forensic experts ng PNP Crime Laboratory na hindi nag-iisa ang salarin kung saan iisang patalim ang ginamit sa mga biktima maliban na lamang sa biktimang si Donnie na ibang kutsilyo ang ginamit sa brutal na pagpatay. Inihayag ng opisyal na lumilitaw sa mga nakuhang ebidensya na dalawa o higit pa ang sangkot sa massacre ng pamilya sa kanilang tahanan sa North Ridge Royal Subdivision, Brgy. Sto. Cristo ng lungsod.
Magugunita na ang krimen ay nadiskubre ng padre de pamilya na si Dexter Carlos Sr., matapos itong umuwi sa kanilang tahanan kinaumagahan mula sa panggabing duty bilang security guard.
“It is a standard operating procedure that the person who discovered the crime should be investigated and asked,” paliwanag naman ni Caramat sa pagiimbestiga kay Carlos Sr. .
Sa kabila nito, iginiit ng opisyal na base sa kanilang pagsisiyasat ay malabong nasa crime scene ang padre de pamilya base na rin sa testimonya ng mga kasamahan nito sa trabaho.
Magugunita na inamin mismo ng nasakoteng pangunahing suspect na si Ibañes na ginahasa niya si Estrella at nakatira siya ng droga ng isagawa ang krimen pero hindi niya matandaan kung nag-iisa siya o may kasama ng gawin ito.
Samantalang ang mga persons of interests na sina Rolando Pacinos, Rosevelth Sorima at Anthony Garcia ay magkakasunod na itinumba na nilagyan pa ng karatulang ‘rapist ako, huwag tularan’ habang ang isa pang ‘person of interest na si Alvin Mabesa ay nawawala umano matapos na dukutin ng hindi pa nakilalang mga armadong lalaki.