MANILA, Philippines - Nagsasagawa na nang imbestigasyon ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pagkamatay ng 2 sundalo habang 11 pa ang nasugatan sa ikalawang insidente nang pagsablay ng airstrike sa Marawi City, Lanao del Sur kamakalawa kaugnay sa patuloy na krisis sa lungsod.
Ang pagsablay ng airstrike dakong alas-12:00 ng tanghali nitong Miyerkules ay ikalawang insidente ng “friendly fire” matapos na una nang aksidenteng mabagsakan ng bomba na pinakawalan ng mga bomber plane ng Philippine Air Force (PAF) na ikinasawi ng 11 sundalo habang 7 pa ang nasugatan noong Mayo 30 ng taong ito.
Sinabi ni AFP Spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla Jr., sinabi nito na pinupuntirya ng mga piloto ng “bomber plane” ang isang gusali na nagsisilbing himpilan ng mga nagtatagong Maute- Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) nang sumablay ang unang bomba na tumama sa gusali na pinagtataguan ng tropang gobyerno.
“While our pilots (bomber plane) were hitting facilities being used as headquarters of the terrorists, the 1st bomb it fell 250 meters short of target unfortunately to the building were our troops are hiding,” pahayag ni Padilla.
Ayon kay Padilla, sa lakas ng “impact” sa pagtama ng bomba ay gumuho ang gusali kung saan sinawimpalad na masawi ang dalawang sundalo habang 11 pa ang nasugatan .
Sinabi naman ni AFP Public Affairs Office Chief Col. Edgard Arevalo na ang imbestigasyon ay upang matukoy ang mga naging kaganapan at alamin kung sino ang may pagkakamali na nagbunsod sa trahedya.
Ipinaabot naman ng liderato ng AFP ang pakikiramay sa mga sundalong nagbuwis ng buhay sa nasabing “friendly fire”.
Nasa ika-52 araw na kahapon ang krisis sa Marawi matapos itong mag-umpisa noong Mayo 23 nang lumusob at maghasik ng terorismo ang Maute-ISIS sa lungsod.