MANILA, Philippines - Matapos iturong utak sa pangingikil sa mga vendor, sinibak na sa puwesto ang isang Police Community Precinct (PCP) Commander matapos itong maaresto kasama ang dalawang Brgy. Kagawad sa entrapment operation sa University Belt Area (UBA) sa Sampaloc, Maynila nitong Biyernes ng gabi.
Kinilala ni PNP-Counter Intelligence Task Force (PNP-CITF) Chief P/Sr. Supt. Jose Chiquito Malayo ang tinanggal sa puwesto na si Chief Inspector Ramon Nazario, UBA PCP Commander sa ilalim ng Sampaloc Police Station 4 .
Si Nazario ay inaresto kasama ang mga Brgy. kagawad na sina Gregorio Bernardo at Raymund Raga; pawang ng Brgy. 409, Zone 42 , Sampaloc sa lungsod ng Maynila.
Bandang alas-6:45 ng gabi nitong Biyernes nang magsagawa ng entrapment operation ang mga CITF personnels sa compound ng UBA PCP na matatagpuan sa P. Noval Street sa Brgy. 398, Sampaloc sa himpilan ng UBA PCP sa lugar.
Ayon kay Malayo, ang kaniyang mga tauhan ay nagsagawa ng operasyon laban sa mga suspect matapos namang makatanggap ng impormasyon na nangongotong ang dalawang Brgy. Kagawad sa mga vendors sa university belt.
Nabatid na ang lingguhang koleksyon na isinasagawa tuwing Biyernes ng dalawang Brgy. Kagawad na umano’y gumagamit pa ng mga sibilyan ay isinusumite ng mga ito kay Nazario kung saan pinapartehan naman sila ng opisyal. Nahaharap ngayon sa kasong kriminal ang mga nasakoteng suspek.