MANILA, Philippines - Nanggagalaiti sa galit si PNP Chief Director General Ronald “Bato” Dela Rosa sa dalawang PO1 na pulis na naging viral ang video sa social media matapos na hatawin ng yantok at tinutukan pa ng baril ang dalawang lalaking kanilang inaresto dahil sa paglabag sa City ordinance.
Pinasibak ni Dela Rosa sa puwesto sina PO1s Jose Julius Tandog at Chito Enriquez na pawang nakatalaga bilang barangay patrol sa Brgy. San Jose, Mandaluyong City at habang iniimbestigahan ang kaso ay kinukunsiderang ipadala ang mga ito sa Marawi City para ilaban sa mga Maute-ISIS.
Agad din sinibak ni EPD Director, Chief Supt.Romulo Sapitula ang dalawang pulis na dinisarmahan din at kinuha ang kanilang badge matapos din mapanood ang video.
Iniutos din ni Sapitula ang pagsasampa ng kasong administratibo at ‘restricted’ sa kanilang police station ang dalawang pulis.
Nabatid na noong Martes ng gabi ay inaresto ng dalawang pulis ang dalawang sibilyan na tinukoy lamang sa pangalang Alfred at Allan habang nag-iinuman sa gilid ng kalsada na isang paglabag sa ordinansa sa Mandaluyong City.
Pinoposasan ng mga pulis ang dalawang sibilyan pero tumanggi ang mga ito dahil sasama naman sila sa himpilan ng pulisya ngunit nagalit ang mga pulis hanggang pagpapaluin ng yantok sa iba’t ibang bahagi ng katawan at tutukan pa ng baril.
Lingid sa kaalaman ng dalawang pulis na nakuhanan ng video ang insidente at noong malaman nila na may video footages ay nagmaka awa sa dalawang sibilyan at nangakong sasagutin nila ang gastos sa pagpapagamot at pilit na pinapirma sa isang ‘amicable settlement’.
Sinabi naman ni Supt. Joaquin Alva, hepe ng Mandaluyong police, kahit nagkaroon ng ‘amicable settlement’ sa magkabilang panig ay tuloy pa rin ang kasong administratibo na kinakaharap ng dalawang pulis.