Maute Group drug addict
MANILA, Philippines - Mga gumagamit ng shabu ang mga miyembro ng Maute terrorist group kaya gising ang mga ito kahit dis-oras ng gabi at nakikipaglaban sa mga tropa ng gobyerno.
Ito ang napatunayan ng militar matapos makumpiska ang 11 kilo ng shabu sa loob ng isang bahay na pinagtaguan ng Maute-ISIS sa Marawi City sa patuloy na combat clearing operations.
Sa ulat ni Brig. Gen. Rolando Joselito Bautista, bandang alas-6:00 ng gabi nang makumpiska ang nasabing bulto ng droga sa sentro ng bakbakan sa lungsod kung saan pumalo na sa ika-28 araw ang krisis sa lugar.
Narekober ng Alpha Company sa pamumuno ni 1Lt. Emerson Tapang ng Army’s 49th Infantry Battalion (IB) ang 11 kilo ng high grade shabu na nagkakahalaga ng P110-M hanggang P 250-M.
Naispatan ng mga sundalo sa lugar ang mga armadong kalalakihan na pawang nakasuot ng kulay itim na damit na pang-ISIS habang nagpapanakbuhan sa mga kabahayan habang nagmamaniobra ang tropa ng militar.
Ang mga terorista ay nakipagbakbakan sa tropa ng militar na naiwan ang nasabing bulto ng droga na itinatago ng mga ito sa isa sa mga bahay na kanilang pinagtaguan sa lugar.
Bukod sa pagdro-droga ay nilalapastangan din ng Maute-ISIS at maging ng mga teroristang Abu Sayyaf Group (ASG) ang mga mosque na pinupuwestuhan ng kanilang mga snipers.
Bukod sa droga ay nakumpiska rin ng mga sundalo ang mga high-powered firearms at Improvised Explosive Device (IED) sa mga pinagtaguan ng Maute sa Marawi City sa ginawang clearing operations ng militar.
Wika pa ng AFP spokesman, as of 8:00 p.m. (June 18), 26 ang nasawing sibilyan, 1,637 naman na civilian ang na-rescue, 257 Maute ang nasawi, 250 firearms ang nakumpiska at 62 government forces naman ang nasawi.
Siniguro rin ng AFP na bantay-sarado ang paglabas at pagpasok sa Marawi City upang masiguro na hindi makakahalo sa mga evacuees ang mga Maute group na tatakas at patunay dito ang pagkahuli ng ilang Maute group na nahuli sa Cagayan de Oro City at Iloilo Port.
Sa kasalukuyan ayon naman kay Presidential Spokesman Ernesto Abella, nanatiling 4 na barangay sa Marawi City ang itinuturing na problematic areas at pinawi nito ang agam-agam ng mamamayan na maging banta ang tumatakas na Maute group sa ibang lugar sa Pilipinas.
- Latest