Bandila iwinagayway sa Marawi City
MANILA, Philippines - Sa kabila nang patuloy na pagsabog at bakbakan sa Marawi City ay nagdaos pa rin ng flag-raising ceremony ang mga lokal na opisyal, mga sundalo at pulis.
Bagaman malakas ang pag-awit ng Lupang Hinirang, namayani pa rin ang malalakas na pagsabog habang isinasagawa ang pagtataas ng watawat sa city hall na napakalapit lamang sa lugar ng sentro ng bakbakan.
Habang idinadaos ang flag-raising ay tatlong aircraft ang nagsasagawa ng airstrike sa mga pinaniniwalaang kuta ng Maute group.
Maliban sa Marawi City Hall, naidaos din ang flag raising ceremony sa 39 bayan sa Lanao De Sur habang ginugunita ang Araw ng Kalayaan.
Batay sa ulat, nasa tatlong OV-10 bomber planes ang naghulog ng mga bomba sa bahagi ng lungsod na pinagkukutaan ng teroristang grupo.
Ayon kay Lanao del Sur Spokesman Zia Alonto Adiong, hindi mapipigil ng patuloy na bakbakan ang kanilang pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan at pagwawagayway ng watawat ng Pilipinas sa kapitolyo.
Samantala, ibubuhos na ng Armed Forces of the Philippines ang lahat ng firefighting capabilities para tapusin na ang Maute Group sa Marawi City na patuloy na nakikipagbakbakan sa militar.
Ito ang sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana bilang tugon sa pinapakawalang sniper fires, mortar fire, anti-tank rounds at IED’s ng Maute para makapatay ng kahit sino at makapanira ng mga ari-arian kabilang na ang simbahan.
- Latest