MANILA, Philippines - Ipinakulong ng Kamara ang anim na lokal na opisyal ng Ilocos Norte matapos silang ipa-contempt ni House Majority leader Rodolfo Fariñas sa pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability.
Kasalukuyang nakapiit sa House Legislative Security Bureau sina Josephine Calajate; Genedine Jambaro; Encarnacion Gaor; Eden Battulayan; Evangeline Tabulog, pawang mga empleyado ng Provincial Treasurers Office at Engr. Pedro Agcaoili, Chairman ng Bids and Awards Committee at Head ng Provincial Planning and Development Office.
Ang mga ito ay patuloy na ikukulong sa Kamara hanggang hindi direktang sumasagot sa mga tanong kaugnay ng pagbili ng mini cab noong 2001 gamit ang P66.4 milyon na pondo galing sa Tobacco Excise tax.
Ayon kay Fariñas, hindi maaaring gamitin ang nasabing pondo sa ibang bagay dahil ang itinatakda ng batas ay para lamang sa pagpapaunlad ng industriya ng tabako.
Maging si Commission on Audit Auditor Cornelio Viernes ay ginisa din ng komite dahil sa pagtanggi nito na wala syang naalala na ginawang post audit transaction.
Dahil naman sa tatlong beses na hindi sumisipot sa patawag ay inaprubahan na rin ni Committee chairman Rep. Johnny Pimentel ang mosyon para isubpoena si Ilocos Norte Governor Imee Marcos para mapilitan siyang humarap sa pagdinig.